Join the DRRM Rosario Club — Our Official Online Community!
Paul Angelo L. de Castro, RN, EMT, LPT, EnP, MDRM – Operations & Warning Section Chief, LDRRMO II, Rosario, Batangas
Paul Angelo L. de Castro, RN, EMT, LPT, EnP, MDRM in uniform as Operations & Warning Section Chief of Rosario MDRRMO, ready to serve and respond in times of crisis.
Published May 17, 2025, 5:00 pm
Updated May 17, 2025, 6:00 pm
Sa halos dalawang dekada ng kanyang serbisyo, si Paul Angelo L. de Castro ay naging haligi ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) sa iba’t ibang yugto ng kalamidad—mula sa paghahanda, pagtugon, hanggang sa rehabilitasyon. Ang kanyang karanasan ay sumasalamin sa isang buhay na inilaan para sa kaligtasan at katatagan ng kapwa Pilipino.
Buong Pangalan: Paul Angelo L. de Castro, RN, EMT, LPT, EnP, MDRM
Edad: 40
Kasalukuyang Propesyon: Operations & Warning Section Chief / LDRRMO II, Municipality of Rosario, Batangas
DRRM Involvement:
Mula 2006, naging bahagi ng Philippine Red Cross – Batangas Chapter
DRRM trainer sa First Aid, BLS, WASH, at Disaster Nursing
Responder sa mga kalamidad gaya ng Yolanda, Pablo, Mayon at Taal eruption
Project Team Leader sa rehabilitation efforts sa Leyte at Samar (2014–2016)
COVID-19 Nurse Vaccinator at Operations Head sa Marinduque during Typhoon Nina
DRRM Tip: “Patuloy na mag-aral, matuto at magbahagi ng karunungan sapagkat ang kaalaman ay nakapagliligtas.”
Kuwento ng Katatagan ni Paul Angelo L. de Castro
Nagsimula ang kanyang paglalakbay sa DRRM noong 2006, bago pa man naisabatas ang RA 10121. Sa Philippine Red Cross – Batangas Chapter, nagsanay siya ng mga komunidad sa basic life support, WASH, disaster nursing, at marami pang iba.
Sa disaster response, bahagi siya ng iba't ibang health and rapid assessment teams sa mga trahedya gaya ng pagbaha sa Bulacan at Pampanga (2012), lindol sa Bohol (2013), at epekto ng Bagyong Yolanda sa Palawan (2014). Nagsilbi rin siya bilang Safety Officer sa pagbisita ng Santo Papa sa Leyte (2015).
Hindi nagtatapos sa pagtugon ang kanyang kwento. Bilang Recovery Project Team Leader, pinangunahan niya ang pagpapatayo ng mga tirahan, pagkukumpuni ng health facilities at paaralan, at pagsasanay sa mga mamamayan sa Leyte at Samar pagkatapos ng kalamidad.
Sa kasalukuyan, siya ay patuloy na naglilingkod bilang Operations & Warning Section Chief ng Rosario MDRRMO, dala ang kanyang malawak na karanasan at walang kapantay na dedikasyon.
"Nagsimula ang aking pakikibahagi sa larangan ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) noong 2006 nang ako ay naging bahagi ng Philippine Red Cross - Batangas Chapter. Ito ay apat na taon bago pa man naisabatas ang Republic Act No. 10121, o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of. Ang batas na ito ang nagtakda at nagpakilala ng apat na tematikong bahagi ng DRRM, kung saan sa tatlo nito ay nagkaroon ako ng malalim na personal na karanasan.
Sa larangan ng Paghahanda sa Kalamidad (Disaster Preparedness), aktibo akong naging tagapagsanay upang maihanda ang mga komunidad sa panahon ng kalamidad. Kabilang sa mga pagsasanay na aking ibinigay ay ang First Aid, Basic Life Support, Accident Prevention, Basic Swimming, Ambulance Operation, Water Sanitation and Hygiene (WASH), at Disaster Nursing.
Malawak din ang aking naging karanasan sa Pagtugon sa Kalamidad (Disaster Response). Naging bahagi ako ng iba’t ibang Assessment Teams, kabilang ang Rapid Assessment para sa pagbaha dulot ng malakas na ulang monsoon noong 2012 sa Bulacan at Pampanga; Health Assessment para sa 7.2 magnitude na lindol sa Bohol noong 2013; Detailed Health Assessment para sa Bagyong Pablo sa Compostela Valley at Surigao del Sur (2013); at para rin sa Bagyong Yolanda sa Palawan (2014). Bukod dito, tumayo akong Health Officer para sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Mayon (2018) at Bulkang Taal (2020). Nagsilbi rin akong Nurse Vaccinator para sa COVID-19 Response mula 2020 hanggang 2022, at Head of Operations noong Bagyong Nina sa Marinduque (2017). Gumanap din ako bilang Safety Officer, bilang miyembro ng Command Staff na itinayo ng Philippine Red Cross, para sa pagbisita ng Santo Papa sa Leyte noong 2015.
Sa aspeto naman ng Rehabilitasyon at Pagbangon (Disaster Rehabilitation and Recovery), pinamunuan ko bilang Recovery Project Team Leader ang mga proyekto ng Philippine Red Cross na pinondohan ng Australian Red Cross. Ito ay naganap sa mga probinsya ng Leyte at Samar mula taong 2014 hanggang 2016. Sa ilalim ng mga proyektong ito, nagpatayo kami ng mga pansamantalang tirahan, nagsuporta upang makapagtayo ng negosyo ang mga naapektuhan ng bagyo, nagsaayos ng mga health center at paaralang nasalanta, at nagsagawa ng mga community drills upang maging handa ang mga mamamayan.
Sa kasalukuyan, patuloy akong nakikibahagi sa mga gawaing DRRM bilang isa sa mga empleyado ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Bayan ng Rosario."
— Paul Angelo L. de Castro
"Ang pagiging handa ay hindi lang responsibilidad ng gobyerno. Isa itong kolektibong tungkulin ng bawat mamamayan. Sa bawat pagsasanay, pagtuturo, at pagbabahagi ng karunungan, unti-unti nating binubuo ang isang komunidad na tunay na matatag sa harap ng sakuna."
— Paul Angelo L. de Castro
Kung ikaw o ang kakilala mo ay may kwento rin ng katatagan, paglingap, at serbisyong makatao sa panahon ng sakuna—baka ikaw na ang susunod!
✉️ Magbahagi ng iyong karanasan sa Face of Resilience Weekly Series ng DRRM Rosario!
📝 Magpadala ng iyong kwento dito: starosariobatangas@gmail.com
📌 Tandaan: Tanging mga personal submissions lamang ang tinatanggap. Siguraduhing ikaw mismo ang nagsumite ng kwento mo.
Week No. 1 - Doc Rey | Week 2 - Sir Paul